Tuesday, September 1, 2009

SYNOPSIS:

Sinasabing ang isang larawan ay mas makapangyarihan kaysa sa anu pa mang salita. Pinatutunayan nito ang dokyumentaryo ni Kara David sa I-Witness na pinamagatang “Buto’t Balat”, na nagpapakita ng nakagugulat na sitwasyon ng malnutrisyon sa Pilipinas.

Binigyang pansin sa dokyumentaryong ito ang kalagayan at paraan ng pamumuhay ng ilan sa mga naghihirap nating mga kababayan. Una, si Angela, 19 na taong gulang na mula sa Bicol. Siya ay nanghihina at napakapayat, ngunit nagagawa pa rin niyang mabuhay hanggang sa abot ng kanyang makakaya sa kabila ng malubha niyang sitwasyon. Bumabangon lamang siya ng tatlong beses sa isang araw at may tatlong buwan na rin siyang nagdurusa sa ganoon kalubhang kalagayan. Nakakalungkot mang sabihin, ngunit kung ilalarawan ang itsura ni Angela, siya ay literal na masasabing “buto’t balat”. At dahil sa kanyang kalagayang ito, wala na siyang lakas para maglakad o tumayo man lamang. Si Angela ay nagdurusa sa pagkakaroon ng pneumonia at ilang sakit sa baga, mga komplikasyon na dulot na rin ng pagkakaroon niya ng malalang kondisyon ng malnutrisyon. Si Angela ay laging nagdarasal kay Mama Mary sapagkat umaasa at naniniwala siyang tanging si Mama Mary lamang ang makakapagpagaling sa kanya. Ngunit ang solusyon sa kanyang kalagayan ay ang pagkakaroon ng tama at sapat na pagkain at hindi si Mama Mary (pero syempre, sa tulong na rin ng kanyang pagdarasal). Subalit sa kasamaang palad, si Angela ay pumanaw ilang linggo lamang matapos siyang makapanayam ni Kara David para sa dokyumentaryong ito.

Sumunod naman ay si Ginoong Ciriaco Hansol, isang kargador sa pier. Parte ng kanyang trabaho ang pagbubuhat ng balde-baldeng isda. Araw-araw dumadaan sa kamay ni Mang Ciriaco ang iba’t ibang uri ng masasarap na lamang dagat, ngunit ni minsan, hindi niya ito natikman. Ang kinikita niya kada balde ay labinlimang piso lamang. Buenas na sa kanya ang magkaron ng pitumpong piso, karaniwan kasi 30 lang ang hawak nyang barya. Araw-araw para daw siyang tinutukso ng mga alimango. Naiinggit man daw siyang kumain, kaya lang wala naman siyang magagawa. Tanong pa nga ng anak niya, “Bakit Papa, ganito ang ulam natin? Wala na bang iba?” Sa pito nilang anak, at sa kanilang mag-asawa, pinagkakasya lamang nila sa kanilang hapag kainan ang kung anumang mabibili ni Mang Ciriaco mula sa kakarampot niyang kinikita (na kadalasan ay isang tumpok ng talangka at isang kilong bigas para sa siyam na sikmura). Si Jeremy, ang kanyang panganay na anak, 14 na taong gulang, ngunit tumitimbang lamang ng pang-dalawang taong gulang; si Joey, anim na taong gulang, na may timbang na pang-pitong buwang gulang; at si Aljon, dalawang taong gulang, tumitimbang lamang ng pang-tatlong buwang gulang. Lahat ng kanilang mga anak, ay kakikitaan ng malubhang kalagayan ng malnutrisyon. Subalit, ayon sa mga doktor, ang kalagayan ni Jeremy ay hindi isang simpleng hika lamang. Ayon pa sa kanila, sobrang nahihirapan daw ang bata sa paghinga dahil sa sobra niyang kapayatan. At tulad ni Angela, ang unang case study ng dokumentaryong ito, si Jeremy ay binawian ng buhay makalipas ang isang buwan.

Ang ikatlo, at huling tinalakay ng dokumentaryong ito ay si Julie Ann, tatlong taong gulang. Hindi siya nakakapaglakad dulot ng kanyang karamdaman. At ni minsan, hindi pa daw nakainom si Julie Ann ng gatas, at sa halip laging kape lamang dahil sa kahirapan. Napapaluha na lamang ang kanyang ina na si Lourdes Villas sa tuwing pinagmamasdan niyang natutulog sa gabi ang walo niyang anak, lalo pa at alam niyang ilang buwan na lamang ay iluluwal na niya mula sa kanyang sinapupunan ang ika-siyam nilang anak. Minsan tinatanong na lamang ni Aling Lourdes ang Maykapal kung anong bukas ang naghihintay para sa kanila. Ayon sa ina ni Julie Ann, maswerte na sila kung mayroon silang dalawampung pisong pambili ng sardinas na kanilang uulamin. Makalipas ang dalawang buwan, pumanaw na rin si Julie Ann tulad nina Angela at Jeremy.

Ipinakikita lamang ni Kara David sa dokumentaryong ito ang kanser ng ating lipunan na nangangailangan na agad ng solusyon. Sapagkat lubhang nakababahala na ang dumaraming kaso ng malnutrisyon sa ating bansa. Ayon sa pag-aaral ng UNICEF, sa buong Pilipinas, tatlo sa bawat sampung Pilipino ang nagugutom at mahigit sa limang milyon ang tulad nila sa buong bansa. Lubha itong nakakaalarma sapagkat pangalawa ang Pilipinas sa Africa sa may pinkamaraming kaso ng malnutrisyon.

-by kaye&paie

HOOK:

Sa una, inisip namin na ang gagawin naming panunuod ng isang dokyumentaryo ay isang simpleng “wala lang”. Gagawin lamang namin ito upang makagawa lamang nang proyekto sa aming asignaturang Current Issues. Hindi namin inakala o inisip na ang aming panunoorin ay makakapukaw at makakaantig ng lubusan sa aming mga damdamin. Bawat istoryang itinampok sa Buto’t Balat ay pawang nakakaantig at nakakapagmulat sa katotohanang hindi hamak na pinagpala kami kaysa sa kanila.

Isang pangyayari na lubhang nakapukaw sa aming damdamin ay nang ipakita ang kalagayan ni Angela. Hindi na siya halos makatayo sa kaniyang kinahihigaan sanhi ng kanyang karamdaman at ng malnutrisyon na kaniyang nararanasan. Napapalunok na lamang kami ng laway dahil wala kaming masabi sa aming napapanuod; labis na kasalatan sa buhay ang kanilang nararanasan. Dagdag pa nang sinabi ni Kara David na ang dalawa sa mga kapatid ni Angela ay nauna nang namatay. At sa kasamaang palad, makalipas lamang ang ilang linggo ay pumanaw na rin si Angela.

Isa pang pangyayaring nakaagaw ng aming atensyon ay ang kalagayan ng pamilya ni Ginoong Hansol. Hindi niya kayang tustusan ang mga pangangailangan ng kanyang pamilya lalo na sa pagkain. Ngunit ang mahirap tanggapin bilang manonood ay alam ni G. Hansol kung gaano kasakit makitang ang mga anak niya ay nakakaranas ng malnutrisyon, ngunit naatim pa rin niyang magdalang tao muli ang kaniyang asawa. Ibig sabihin ay madadagdagan pa ng isa ang 9 na sikmura na dapat sana ay nakakatanggap ng tamang nutrisyon sa kanilang pamilya. Ano na kaya ang kinabukasang naghihintay sa batang nasa sinapupunan pa lamang ay wala nang sapat na nutrisyon na natatanggap? Hindi nakapagtatakang mangyari rin sa kanya ang kapalaran ni Julie Ann na sa ngayon, ilang buwang gulang palamang siya ay wala nang tamang nutrisyon na natatanggap dahil ni minsan, mula nang siya ay isinilang, hindi pa siya nakakatikim ng gatas sanhi nang kakapusan sa salapi ng mga magulang nito bagkus ay kape na lamang ang ipinapainom sa sanggol.

Mahirap tanggapin, mahirap paniwalaan, ngunit ito ang katotohanan. Ganito kasaklap ang buhay na nararanasan nang marami sa ating mga kababayan. Salamat na lamang sa mga dokyumentaryong tulad ng Buto’t Balat na nagiging daan upang mamulat ang mga bulag o di kaya ay nagbubulag-bulagan lamang sa katotohanang may higit na nagangailangan ng ginhawang kanilang tinatamasa at minsan pa’y kanilang pinagpapawalang bahala.

-by paie

MEAT

Sa mundong puno ng kasawian, ang katatagan ang magiging batayan. At hanggat mayroon tayong pag-asang pinanghahawakan sa ating mga sarili upang suongin ang ating mga pagsubok, patuloy na iikot ang gulong ng gating buhay. Tayo ay nananatili at nakakaraos sa mundong ito dahil na rin sa ating mga ginagawa at mga desisyon.

Mahalaga sa panahon natin ngayon ang mga panooring tulad ng Buto’t Balat ni Kara David. Dahil sa pamamagitan nito, mailalahad ang mga simpleng problemang nararansan nang marami sa ating mga kababayan. Simple man kung ituring ngunit napakalaki naman ng epekto sa bansa natin na kailangan ng mabilisang aksyon.

Sa dokyumentaryong Buto’t Balat, iminumulat tayo sa kalagayang ng mga Pilipinong kahit 24/7 na silang kumakayod para sa kanilang pamilya, hindi parin nila matugunan ang mga pangunahing pangangailangan nito na nagdudulot ng iba’t ibang problema. Ang paglobo ng populasyon at malnutrisyon ang ilan sa mga problemang ito. Ipinapakita rito ang mga Pilipinong nakakaranas ng malnutrisyon at kung papaanong ipinagsasawalang bahala ng iba, lalu na nang gobyerno ang grabeng sitwasyon na dinaranas ng ating bansa ngayon. Karamihan sa atin, alam na maraming mahihirap sa ating bansa at sa pamamagitan ng palabas na ito, mauunawaan natin na hindi lamang simpleng kahirapan at malnutrisyon ang nararanasan ng marami sa atin kundi “severe” o malala na ang kondisyong nararanasanng ito na nauuwi sa pagkamatay nang ilan. At ayon sa mga pag-aaral, tayo ay pumapangalawa sa Africa kung saan mataas ang dami ng kaso ng malnutrisyon.

Ngunit ang malaking katanungan ay “Bakit bulag ang mga Pilipino?” Bakit pilit na iginigiit ng ating gobyerno na hindi naman mahirap ang Pilipinas? Bulag ba sila upang hindi makita ang kahirapang nararanasan ng ating mga kababayan o sadyang sobrang taas lamang ng mga impastrakturang pinamumuhunanan nila ng malaki upang matakpan ang mga nangangailangan ng higit? Hanggang kailan aasa ang mga kababayan nating salat sa kahirapan sa mga programang iginuguhit ng ating gobyerno para sa kanila gayong tila sa tubig lamang ito iginuguhit? Kailan sila mamumulat na hindi namamana ang kahirapan kundi ang kasalatan sa prinsipyo’t motibasyon. Nagtatrabaho tayong mabuti upang mapagsikapang magkaroon ng masagana at magandang buhay. Ngunit sa kabila ng ating mga pagsisikap hindi natin maitatanggi na tunay na hindi patas ang buhay, “life is unfair” ika nga. Ngunit hindi ito sapat na dahilan upang sumuko. Walang ibang magmamahal sa atin liban sa ating mga sarili kaya nararapat lamang na hindi tayo umasa sa gagawin ng iba pra sa atin, bagkus ay magsumikap tayo na makamit ang ating mga mithiin. Hindi naman tayo maghihirap kung hindi natin hahayang tayo ay maghirap. Sabi nga nila “Nasa Diyos ang awa, nasa tao ang gawa.”

At sa huli, para sa mga manonood, sa panahon natin ngayon na uso ang mga luho sa katawan, hanggang kailan tayo patuloy na magbubulag-bulagan gayong alam natin ang katotohanang milyon-milyong Pilipino ang namamatay dahil sa kagutuman.

“NUTRITION is the act or process of being nourished.” Ibig sabihin nito, ang nutrisyon ay tumutukoy sa kahit anong bagay na may pagunlad. At kung patuloy na lalala ang malnutrisyong nararanasan ng marami sa atin, mahirap man isipin at masakit mang tanggapin, ang ating bansang Pilipinas ay malnourished din.

-by paie

CLINCHER:

Lungkot. Pag-aalala. Pagkabagabag. Ito ang ilan sa mga emosyong nangibabaw at ipinarating sa dokumentaryong ito. Ipinakikita nito ang tunay na kalagayan ng ating mga kababayan na tila ba hindi makawala mula sa pagkakagapos nila sa kahirapan. Inilahad sa dokumentaryong ito ang ilan sa pang-araw-araw na pangyayari sa kanilang buhay, mga kaganapang tinatanggap na lamang nila sa paniniwala nilang iyon na lamang ang tangi nilang magagawa.

Ang pamilya Hansol, sa Bicol, malaki ang pagpapahalaga sa bawat butil ng kanin na mayroon sila. Kinukuha nila ang mga natitirang butil ng kanin. At pagkatapos itong patuyuin sa ilalim ng araw, ipipirito nila ito upang maging ampaw sa oras na wala silang sinaing. At sa kakarampot na baryang kinikita ni Mang Ciriaco, pinagkakasya na lamang nila ito upang pakainin ang siyam na sikmura. Kaya naman, hindi nakapagtatakang lahat ng kanilang anak ay kakikitaan ng malnutrisyon, lalung-lalo na ang malubhang kalagayan ng batang si Jeremy na nakararamdam ng kakaibang paninikip ng dibdib at hirap sa paghinga at may hika pa. Maging ang timbang ng kanyang mga anak ay hindi normal para sa kanilang edad. Tulad halimbawa ni Jeremy, 14 na taong gulang, panganay sa pitong magkakapatid, ngunit tumitimbang lamang ng tulad ng sa dalawang taong gulang na bata; si Joey, 6 na taon at may timbang lamang na pang pitong buwang gulang na sanggol; at si Aljon, 2 taong gulang ngunit sing bigat lamang ng tatlong buwang gulang na sanggol.

Samantala, ang sanggol naman na si Julie Ann ng pamilya Villas, na ni minsan ay hindi pa nakatikim man lang ng gatas at sa halip ay laging kape lamang. Ang ina ni Julie Ann ay napapaluha na lamang sa tuwing nakikita niyang nahihirapan at nagugutom ang kanyang walong anak, dagdag pa ang isang sanggol sa kanyang sinapupunan na malapit na ring isilang. Tulad rin ng pamilya Hansol, wala silang ibang magawa kundi ang yakapin ang dulot ng kahirapang ayon sa kanila ay hindi nila matakasan.

Si Angela, na ilang buwan nang nakaratay sa higaan dahil hindi na niya magawang maglakad o tumayo man lang. Sa kabila ng malubhang kalagayang ito ni Angela, patuloy pa rin siyang nagdarasal at naniniwalang ang Inang Maria lamang ang makakapagpagaling sa kanyang karamdaman.

Sina Angela, Jeremy at Julie Ann, lahat sila ay kapwa binawian ng buhay matapos maitampok sa dokumentaryong ito ang nakalulungkot nilang sitwasyon at katayuan sa buhay. Silang tatlo ang nagsisilbing salamin o imahe ng mga taong tulad nila na nakararanas ng matinding kahirapan, isang matinding problema ng ating lipunan. Nakalulungkot mang isipin, ngunit araw-araw marami ang tulad nina Angela, Jeremy at Julie Ann na pumanaw nang walang kalaban-laban. Ang mga pangyayaring inilahad sa dokumentaryong ito ay nagpapakita lamang ng masaklap na katotohanan na nararanasan ng mga kapwa natin Pilipinong sadlak sa kahirapan.

-by yeye

IMPLICATION:

“Nakalulungkot isipin na sa isang bansang uso ang south beach diet, mga pills na pampapayat at kung anu-ano pang bagay na makakapagpaganda ng katawan. Doon ay laganap ang malnutrisyon..”

Ipinapakita sa dokumentaryong ang bunga ng hindi pagkakapantay-pantay ng distribusyon ng trabaho at yaman dito sa ating bansa. Dahil sa kakulangan sa sapat na trabaho para sa mga mamamayan, dulot nito ang kahirapan. At dahil sa kahirapang ito, nagkakaroon ng kakulangan sa pagkain lalung lalo na sa mga bitamina at sustansyang kailangan ng katawan ng bawat tao, na maaari namang mauwi sa malnutrisyon at ilan pang komplikasyon na kadalasan ay nagiging sanhi ng kamatayan dahil sa hindi ito nabibigyan ng tamang medikasyon. Nakalulungkot mang aminin, ngunit tila ba tunay ngang ang mga mayayaman ay lalong yumayaman at ang mga mahihirap ay lalong naghihirap. At ang resulta, ang nakakaalarma at malubhang kalagayan ng malnutrisyon sa ating bansa. Sa buong Pilipinas, tatlo sa bawat sampung Pilipino ang nagugutom at mahigit sa limang milyon ang tulad nila sa buong bansa. Dagdag pa rito, pangalawa ang Pilipinas sa Sub-Saharan Africa sa may pinakamaraming kaso ng malnutrisyon. Isa itong seryosong problema ng ating lipunan na lubhang nangangailangan ng solusyon sa lalong madaling panahon.

Ang dokumentaryong ito ay inilahad upang gisingin ang bawat isa sa atin upang makita ang mga tunay na nangyayari sa ating bansa. At upang bigyan na rin tayo ng babala sa patuloy pang lumulubhang sitwasyong ito.

Ngunit, kung ating iisiping mabuti kung bakit nga ba nangyayari ang ganitong uri ng mga bagay, masasabi ba nating kasalanan natin ito? Marahil marami ang magsasabing “oo” ngunit ang ilan naman ay itatanggi ito, at sasabihing “hindi”. Ngunit ang totoo, ang lahat ng ito ay nangyayari dahil sa sarili nating kilos at desisyon. Kung minsan, sinisisi natin ang ibang tao, ang mga namumuno sa atin, mga kaibigan, o maging ang ating pamilya. Oo nga’t tungkulin ng ating gobyerno na tayo ay tulungan. Ngunit hindi ito nangangahulugan na dapat natin ituon ang lahat ng sisi sa kanila sa tuwing tayo ay nakararanas ng kahirapan. Nariyan lamang sila upang tayo ay gabayan. Samantala, sa isang banda naman, marapat lamang na ang mga namumuno sa ating gobyerno ay tugunan ang mga pangangailangan ng kanilang mga nasasakupan nang walang halong korapsyon. Marapat lamang na maglaan sila ng matibay at pang-matagalang solusyon sa mga pangangailangan ng mga taong bayan. Dapat silang magkaroon ng mga programa at solusyon sa lumalala at nakababahalang problema ng mga mamamayan. At para naman sa mga namumuno, dapat naman nilang isantabi ang kanilang mga pansariling interes at unahin ang para sa mga nangangailangan. Ngunit, tulad nga ng nabanggit sa una, tayo namang mga mamayan ay hindi dapat iasa at idepende lahat sa gobyerno. Dapat tayong magsumikap at kumilos para sa ating ikauunlad. Hindi totoong namamana ang kahirapan. Hindi ba’t parang ang kasalatan sa prinsipyo at motibasyon ang siya pang namamana at hindi ang kahirapan? Hindi itinadhana ng Maykapal na maghirap ang isang tao. Kaya hindi nararapat sabihin na wala nang pag-asa sa kabila ng lahat ng mga biyayang natatanggap hanggang sa simpleng paghinga at paggising sa umaga.

-by yeye



note:some ideas are excerpts form net =))

0 Comments:

Post a Comment